Wednesday, November 20, 2024

Liwanag sa Gitna ng Dilim "Ang Kuwento ng Tagumpay ni Lila" ni Grace Casabar

 Liwanag sa Gitna ng Dilim

"Ang Kuwento ng Tagumpay ni Lila"


Sa isang liblib na baryo sa kabundukan ng San Gabriel, naninirahan ang pamilya ni Lila, isang pamilyang salat sa yaman ngunit hitik sa pagmamahal at pagkakaisa. Si Lila, ang pangatlong anak sa limang magkakapatid, ay lumaki sa isang bahay na yari sa kawayan, malapit sa taniman ng palay. Ang kanilang buhay ay isang paulit-ulit na kwento ng paghihirap, gumigising sila bago sumikat ang araw upang magbungkal ng lupa, magtanim ng palay, at umasang sapat ang kanilang ani upang makatawid sa susunod na buwan. Bata pa lamang si Lila, alam na niyang mahirap ang buhay. Madalas niyang marinig ang hinaing ng kanyang ina tuwing gabi, habang binibilang ang natitirang bigas sa banga. Ngunit sa kabila ng hirap, palaging sinasabi ng kanyang ama na ang edukasyon lamang ang tanging daan para makaalis sila sa kahirapan. Ito ang naging gabay ni Lila sa kanyang paglaki. Sa murang edad, tumanim sa kanyang puso ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at maging guro, hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para sa kanyang pamilya at sa mga batang tulad niya.  

                   Sa araw-araw, gumigising si Lila sa napakaraming pagsubok o hamon. Matapos tumulong sa bukid, kailangan niyang maglakad ng tatlong kilometro patungo sa kanilang paaralan. Madalas na butas-butas ang kanyang tsinelas at kupas ang kanyang uniporme, ngunit hindi iyon naging hadlang upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Sa klase, palagi siyang nasa unahan, bitbit ang lumang bag na puno ng libro at pangarap. Ang kanyang guro, si Gng. Reyes, ang unang nakapansin sa kaniyang talino at determinasyon.  “Lila,” sabi ni Gng. Reyes isang hapon matapos ang klase, “nakikita ko ang sipag mo. Alam kong malayo ang mararating mo. Pero kailangan mong maghanda sa mas mahirap na laban.” Tumango si Lila, ngunit sa kabila ng tapang na ipinakita niya, alam niyang mas malaki ang hamon na kanyang kakaharapin.  

                 Isang araw, isang matinding unos ang dumaan sa kanilang baryo. Walang humpay ang ulan sa loob ng tatlong araw. Lumubog sa baha ang kanilang palayan at nawala ang lahat ng kanilang pananim. Sa isang iglap, ang lahat ng pinaghirapan ng kanilang pamilya ay naglaho. Ang kanilang utang sa tindahan ay palaki ng palaki, at halos wala nang maipakain ang kanyang mga magulang. Sa panahong iyon, maraming gabi ang lumipas na umiiyak si Lila sa dilim. Ngunit sa kabila ng sakit, alam niyang hindi siya maaaring sumuko, maging mahina at walang gagawing aksiyon.

                  “Kakayanin ko ito, kahit mahirap,” ang sabi niya sa kaniyang sarili. Nagdoble kayod si Lila. Tumanggap siya ng mga gawaing bahay mula sa kanilang mga kapitbahay, naglalaba, nag-iigib ng tubig, at nag-aalaga ng mga bata, para makatulong sa kanilang pamilya. Kapag gabi na at natutulog na ang lahat, hinuhugot niya ang kanyang mga libro at matiyaga niyang inaaral ang bawat aralin. Natutunan niyang gawing inspirasyon ang kanilang paghihirap. Isang araw, dumating ang balita mula kay Gng. Reyes. “Lila, may scholarship program na ino-offer sa bayan. Subukan mong mag-apply,” sabi nito. Nag-atubili si Lila sa una. Paano kung hindi siya pumasa? Ngunit nang maisip niyang ito ang maaaring maging sagot sa kanilang mga problema, nagpasya siyang sumubok.  

                   Nagpunta si Lila sa bayan upang kumuha ng pagsusulit. Habang hawak ang lapis at sagutan, nanginginig ang kanyang kamay. Ngunit ginamit niya ang lahat ng natutunan niya sa pag-aaral at idinaing sa Poong Maykapal ang kanyang kapalaran. Makalipas ang ilang linggo, dumating ang resulta. Nang mabasa niya ang liham na nagsasabing siya ay nakapasa, halos hindi siya makapaniwala. Niyakap niya ang kanyang ina habang tumutulo ang luha sa kanyang mga mata.  “Nanay, Tatay, ito na po ang simula. Makakapagtapos din po ako,” sabi niya.  Lumubog at umunos ng mahabang panalangin bilang pasasalamat sa Panginoong Diyos.

                  Pagdating sa lungsod, kinailangan ni Lila na mag-adjust sa bagong kapaligiran. Nakisalamuha siya sa mga kaklase niyang mayayaman at sanay sa marangyang pamumuhay. Siya naman, suot ang simpleng damit, bitbit ang lumang bag na puno ng notebook. Madalas, nararamdaman niyang tila napag-iiwanan siya, ngunit sa halip na panghinaan ng loob, ginawa niya itong inspirasyon.  Pumasok siya bilang library assistant upang makatulong sa kanyang gastusin. Sa araw, nag-aaral siya nang mabuti. Sa gabi, nagta-trabaho siya sa library hanggang mapuno ang kanyang mga kamay ng alikabok mula sa mga lumang libro. Madalas siyang nauubusan ng oras para sa sarili, ngunit tiniis niya ito dahil alam niyang may naghihintay na mas maliwanag na bukas para sa kanyang pamilya.  

                Pagkalipas ng apat na taon, dumating ang araw ng kanyang pagtatapos. Habang naglalakad si Lila sa entablado suot ang toga at medalya, hindi niya mapigilang lumuha. Sa likod ng bulwagan, nakita niya ang kanyang mga magulang, nakangiti habang pinapahid ang kanilang luha.  “Para po ito sa inyo,” bulong niya habang hawak ang kanyang diploma. Ngunit hindi dito nagtapos ang kuwento ni Lila. Bumalik siya sa baryo ng San Gabriel upang magturo. Ginamit niya ang kanyang natutunan upang bigyang inspirasyon ang mga bata sa kanilang komunidad. “Walang imposible kung maniniwala ka sa sarili mo,” ang madalas niyang sinasabi sa klase. Sa kanyang paggabay, maraming bata ang nagpatuloy sa pag-aaral at nakapagtapos. Unti-unting nagbago ang baryo; ang dating mahirap at tahimik na lugar ay naging komunidad na puno ng pag-asa.  

               Sa paglipas ng mga taon, hindi nakalimutan ni Lila ang kanyang pinanggalingan. Naging simbolo siya ng tagumpay sa kanilang lugar, at ang kanyang kwento ay nanatiling buhay sa puso ng bawat tao sa San Gabriel. "Ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay, kundi isang hakbang tungo sa ating mga pangarap" ito ang naging gabay ng mga batang tinuruan niya. Hanggang sa huli, nanatili si Lila sa baryo. Hindi lamang siya naging guro kundi isang ilaw sa gitna ng kadiliman para sa kanyang pamilya at komunidad. Ang kanyang buhay ay patunay na sa kabila ng unos, laging may liwanag na naghihintay sa dulo ng landas.

              Si Lila ay naging inspirasyon sa lahat, na kahit anong pagsubok ang dumating sa Buhay, dumating man sa puntong parang wala ng pag-asa, palaging ibaling ang puso at isipan sa positibong pananaw at positibong mga mangyayari. Huwag ikulong ang sarili sa kalungkutan at huwag malugmok at magpakalunod sa sa walang kabuluhan. Habang buhay ay may pag-asa. Nariyan ang Panginoong Diyos, maaaring ito ay pagsubok niya lamang na kailangan nalampasan. Huwag susuko, laban kung laban, huwag titigil sa pagtakbo, kahit masakit na, kahit mahina na, patuloy lang, humugot ng lakas sa mga taong nagbibigay sa'yo ng inspirasyon at sumusuporta. Darating ang panahon na makarating sa finish line. Ang finish line kung saan naroon ang tagumpay, ginawa at sarap ng Buhay. Laban lang, masasabi mo sa sarili mo na " nagawa ko, nalampasan ko, naging malakas ako at ngayon, narito na ako"

No comments:

Post a Comment

Tulang Patnigan🏚️🎞️ "Duplo"

Tulang Patnigan🏚️🎞️ Ang tulang patnigan ay isang makulay at masining na anyo ng panulaang Filipino na naglalayong ipahayag ang damdamin, o...