Tuesday, October 22, 2024

Me, Myself and I (Grasya)

         

      


      May bahagi sa ating buhay na kaysarap balikan, mga pangyayaring hindimalilimutan, kaganapang tila nag-iwan ng bakas sa ating buhay na hanggang sa ngayon ay humuhubog sa ating buong pagkatao. Ito ang kwento ng aking buhay.

      Ako si Grace Anne N. Casabar, namumuhay ng payak sa lugar ng Poblcion 1 Victoria Oriental Mindoro. Ako ay nagiisang anak ng aking mga mahal na magulang na sina Gina N. Casabar at Clodualdo Gutierrez Casabar. Grasyana ang aking pangalan, mula sa salitang grasya sapagkat ako ang pinakamagandang biyaya na natanggap ng aking mga magulang mula sa Panginoong Diyos. Hindi inalintana ang pagiging isa sa buhay, bagamat malungkot sapagkat naghahanap din ng mga kapatid, kapatid na magiging Kaagapay sa lahat ng problem at kasama sa tawanan at kasiyan. Ang aking mga magulang ay saksakan ng sipag, pagod at puyat ay di alintana, Sila ay tinatawag na "Vendor" at kami ay mayroong munting pinagkakakitaan ito ay ang aming maliit na tindahan at maliit na restaurant. Saktong alauna ng madaling araw kapag linggo kami ay gising na, Hindi pinapansin ang antok sapagkat nakaabang na ang mga gawain, katulad na lamang ng pagpapake ng mga pagkain at pagluluto pa ng iba't ibang putahe dahil pagtutngtong ng alasais ng umaga ay aalis na patungo sa labas upang ako ay magtinda at maiiwan naman sa bahay ang aking mga magulang upang mamahala naman ng aming pwesto. Medyo mahirap sapagkat ako nga ay nagiisang anak lamang ngunit hindi ako nagsasawa na tumulong sa kanila dahil mahal ko sila at alam kong napakahalaga ng pagtulong at paggalang sa mga magulang, ito ay may kalakip na pagtatagumpay.

        Ang aming relihiyon ay ay Iglesia ni Cristo, tuwing huwebes at linggo ay panahon ng aming pagsamba, ito ay isang okasyon na napakahalaga at napakasaya sapagkat sa Panahon na ito ay nakaririnig kami ng aral ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng mga Ministro, Ministro na nag-aral ng mga salita ng Diyos upang matiyagang maipaliwanag at maituro ng tama sa aming mga kaanib sa Iglesia, kailanman ay hindi ko ipagpapalit ang aking pagka- Iglesia ni Cristo sa kahit ano man at kahit sino man.

           Marami na akong mga problemang pinagdaanan sa buhay, inakala ko na hindi na ako makakalampas sa mga pagsubok na ito, gaya na lamang ng kawalan ng pag-asa kung kakayanin ko ba na makipagsapalaran sa mundong ito. Mundong nababalot ng takot at kaguluhan, dagdag pa ang mga samo't saring negatibong salita na lumalabas sa aking kapwa. Nalito na rin ako kung saan ang tamang daan patungo sa tagumpay, pero ngayon masasabi ko na hinahanap ko pa rin ang tamang daan, kaya patuloy lamang ako sa paglakad, hinihiling ko na sana kahit napakaraming balakid sa buhay at daaanan na aking tinatahak, tulungan nawa Ako ng Ama na makararating ng ligtas at sana sa pagdating ko sa dulo, masabi ko na "sa wakas naandito na ako sa tamang lugar na pinapangarap ko, Lugar kung saan gagawa ako ng masasayang ala-ala, ala-alang hindi malilimilutan.

       Ako si Grace Anne Casbaar, ito ako simple ngunit napakaraming pangarap, alam ko darating ang panahon na ako ay mawawala ngunit maaalala, aalalahanin ako ng mga tao sa aking mabuting nagawa.

"Puso para sa Wika" (Tula tungkol sa Wika)

Puso para sa Wika

ni Grace Casabar


Wikang Pilipino’y dapat ipagtanggol

Lalo’t iisiping dito’y ginugugol,

Ang maraming hirap, Salapi’t panahon

Ng pamahalaan at ng masa ngayon.


Wikang pilipino ay ating mahalin

Ito ang sagisag nitong bansa natin,

Binubuklod nito ang ating damdamin

Ang ating isipan at mga layunin.


Wikang pilipino ay maitutulad

Sa agos ng tubig na mula sa dagat,

Kahiman at ito’y sagkahan ng tabak

Pilit maglalagos, hahanap ng butas.


Oo, pagkat ito’y nauunawaan

Ng Wikang Pambansa sa baya’y ituro,

Tatlumpu’t dalawang taong sinapuso

Ng bata, Matanda, lalo na ng guro.


Napasok na nito’y maraming larangan

Ng mga gawain na pampaaralan,

Transaksyon sa bayan at sa sambayanan

Mga paaralan sa sandaigdigan.


Wikang pilipino, ikaw ay mabuhay

Itataguyod ka sa lahat ng araw.





"Luha Sa Aking Tula" (Isang Tula)

Luha Sa Aking Tula

ni Grace Casabar


Luha sa aking tula

Sa iyo ay nagmula

Hahayaang tumatak kahit masakit na

Titiisin na lang para sa'yo, sinta.


Ikaw ang mananatiling inspirasyon, 

Iba man ang iyong destinasyon,

Mananatili ka na lang sa aking imahinasyon

Hindi man ako ang nais mo ngayon.


Hindi man pinagtagpo

Tayo man ay magkalayo

Sa huling tula

Ikaw ang aking huling luha.


Iba man ang iyong kabanata, 

Iba man ang iyong paksa

Sa'yo pa rin magmumula, 

Ang luha sa aking tula

"Wikang Hinugis ng Pagtutol at Pag-asa" (Tula)

"Wikang Hinugis ng Pagtutol at Pag-asa"

ni Grace Casabar

Ang wika’y himig ng pusong nasugatan,

Liwanag ng isip sa dilim ng laban,

Sa bawat kataga’y layang pinanday,

Hinubog sa alab ng adhikang tunay.


Sa bibig ng dukha’t mga nilimot,

Wika ang sandata, sa takot lumusob,

Sa ingay ng mundo, wika'y tumitindig,

Tinig ng pag-asa, lakas na matinik.


Sa kanyang pagbigkas, ang tanikala,

Ng mga paa’y malayang nadudurog na,

Sa bawat pantig, winawasak ang dusa,

Sa bawat salita, kaluluwang sala.


Wikang malaya, hinugis ng lahi,

Sa kanya’y tagumpay, hindi nasasawi,

Puso’t isip, sa kanya’y naglalakbay,

Patungo sa bukas na walang saysay.


Kaya’t gamitin mo, wika ng dangal,

Sa bawat labanan, ito ang sandigan,

Pagkat sa wika, diwa’y lumalaya,

Taglay ang tagumpay, siyang dakila.

"Teknolohiya at Wika"

 Teknolohiya at Wika
(Isang ugnayang patuloy na umuunalad)


        Sa kasalukuyang panahon, hindi maikakaila na ang teknolohiya ay may malaking papel sa ating pang-araw-araw na buhay. Mula sa pakikipag-ugnayan sa social media hanggang sa pagsasaliksik gamit ang internet, ang teknolohiya ay naging isang mahalagang kasangkapan sa pagpapalawak ng ating kaalaman at koneksiyon sa mundo. Sa kabila ng mga positibong dulot nito, may mahalagang tanong na sumasagi sa isip: paano nga ba naaapektuhan ng teknolohiya ang wika at ang paraan ng ating pakikipag-usap? Sa sanaysay na ito, tatalakayin natin ang malalim na ugnayan ng teknolohiya at wika at kung paano ito nagbabago sa paglipas ng panahon.


       Ang pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya tulad ng social media, texting, at iba pang mga plataporma ng komunikasyon ay nagdulot ng mabilis na pagbabago sa paraan ng paggamit natin ng wika. Sa isang simpleng mensahe sa text o chat, napapansin natin ang paggamit ng pinaikling mga salita, mga simbolo, at maging ang emojis. Ang mga salitang gaya ng "LOL" (Laughing Out Loud) o "BRB" (Be Right Back) ay naging bahagi na ng pang-araw-araw na pakikipag-usap, lalo na sa mga kabataan. Hindi lamang nito binabawasan ang haba ng mga mensahe, kundi pinalalalim din nito ang pagpapahayag ng emosyon at damdamin sa mas simpleng paraan.

     Bukod dito, ang teknolohiya ay nagiging sanhi ng paglikha ng mga bagong salita at ekspresyon na sumasalamin sa modernong panahon. Halimbawa, ang mga salitang "selfie," "hashtag," at "vlog" ay hindi umiiral noon, ngunit dahil sa pag-usbong ng mga teknolohiya tulad ng smartphones at social media, ito ay naging normal at malaganap na bahagi ng ating wika. Nagiging mas dinamiko ang wika dahil sa teknolohiya, at tila mas mabilis itong umaangkop sa mga pagbabago sa lipunan.


   Subalit, kaakibat ng mga positibong epekto ng teknolohiya sa wika ay may mga hamon din. Ang madalas na paggamit ng pinaikling mga salita at mga bagong anyo ng pagpapahayag ay minsang nagiging sanhi ng pagpapababa sa kalidad ng komunikasyon. Sa halip na maging mas malinaw at detalyado, ang ilang mensahe ay nagiging malabo at hindi nauunawaan ng lahat, lalo na ng mga hindi sanay sa paggamit ng mga bagong salita at istilo. Minsan, ang kawalan ng pormalidad sa pakikipag-usap sa mga online platforms ay nagdudulot din ng pagkabawas ng respeto at tamang etiketa sa komunikasyon.

      Bukod pa rito, nagiging sanhi rin ang teknolohiya ng unti-unting pagkawala ng interes sa paggamit ng mga lokal at tradisyonal na wika. Maraming kabataan ang mas naiimpluwensyahan ng banyagang wika, tulad ng Ingles, dahil ito ang madalas gamitin sa social media at iba pang online content. Dahil dito, nagiging hamon ang pagpapanatili ng ating mga katutubong wika na sumasalamin sa ating kultura at pagkakakilanlan.


      Sa kabila ng mga hamon, hindi natin maitatanggi na ang teknolohiya ay isang hindi maiiwasang bahagi ng ating buhay. Ang mahalaga ay matutunan nating panatilihin ang balanse sa paggamit ng teknolohiya at pagpapahalaga sa ating wika. Ang teknolohiya ay maaaring maging isang epektibong kasangkapan upang palaganapin ang ating mga lokal na wika at kultura, kung gagamitin nang tama. Maari tayong lumikha ng mga content o aplikasyon na sumusuporta sa pag-aaral at pagpapaunlad ng ating mga wika. Bukod dito, mahalaga ring itaguyod ang tamang paggamit ng wika sa mga online platforms, upang mapanatili ang kalidad at respeto sa komunikasyon.


   Sa huli, ang teknolohiya at wika ay patuloy na magkaugnay at magkaakibat sa pag-unlad ng ating lipunan. Bagaman may mga pagbabago at hamon na dulot ng teknolohiya sa ating wika, nararapat lamang na maging mulat tayo sa mga epekto nito at magsikap na mapanatili ang balanseng paggamit ng teknolohiya at ang ating pagpapahalaga sa sariling wika. Sa ganitong paraan, mapapakinabangan natin ang mga positibong dulot ng teknolohiya nang hindi nalilimutan ang ating pinagmulan at kultura. Ang wika ay patuloy na buhay, at sa tulong ng teknolohiya, ito ay magiging mas makabuluhan sa makabagong panahon.

Thursday, October 3, 2024

Kontemporaryong Awitin sa Wikang Filipino (Pananaliksik)



 Abstrak


    Sa makabagong mundo, halos lahat ng mga kabataan ngayon ay nakikinig ng musika, maaring sa bahay, sa paaralan, sa mga mall, o kaya'y sa kalsada. Ang iba ay nakikinig sa musika para sa kanilang libangan lamang, ang iba ay nakikinig ng musika upang gamitin panggamot sa mga sakit na namuo sa puso at isipan at ang iba naman ay ginagamit ito sa paraan ng pag-aaral. Ito rin ay kadalasang ginagamit sa mga okasyon kung saan ipinagdiriwang ang isang bagay. Ang pananaliksik na ito ay naglalayong suriin ang mga Kontemporaryong Awitin sa Wikang Filipino at ang epekto nito sa pananaw, emosyon, pag-uugali, at sa araw-araw na pagkilos ng lahat ng mga mag-aaral sa kolehiyo na tinatahak ang kursong Edukasyong Pangguro sa Mataas na Pamantasan ng Unibersidad ng Mindoro. Ginamit ng pag-aaral na ito ay kwalitatibong metodo ng Pananaliksik. Isinagawa ng mga mananaliksik ang pakikipanayam gamit ang Focus Group Discussion at Semi-Structured na uri ng panayam. Ang mga impormante ng mga mananaliksik ay ang mga mag-aaral sa kolehiyo na tinatahak ang kursong Edukasyong Pangguro sa Mataas na Pamantasan ng Unibersidad ng Mindoro. Batay sa kinalabasan ng pag-aaral mas malaki ang positibong epekto ng musika sa pananaw, emosyon, pag-uugali at pagkilos sa araw-araw mga mag-aaral sa kolehiyo na tinatahak ang kursong Edukasyong Pangguro sa Mataas na Pamantasan ng Unibersidad ng Mindoro kaysa sa negatibong pananaw.

    Kaugnay nito, nalaman ng mga mananaliksik na ang mga tema ng mga musika ay pumapatungkol sa pag-ibig, Karanasan, Kasawian, Kaligayahan at Pagbibigay ng Inspirasyon at Motibasyon na may kaugnayan sa kanilang obserbasyon at mayamang karanasan. Malaki ang kahalagahan ng papel na ito sa larangan ng edukasyon at sikolohiya sapagkat ipinakikita nito kung paano nagiging isang mahalagang salik ang musika sa pang-araw-araw na buhay ng mga mag-aaral, partikular sa kanilang pananaw, emosyon, at pag-uugali at sa araw-araw na pagkilos ng mga Kabataang Tagapakinig. Nakatulong ang resulta ng pananaliksik na ito sa mas malalim na pag-unawa ng mga guro, mag-aaral at mga susunod na mananaliksik, sa kahalagahan ng pagpili ng musika na may positibong epekto. Ito ay makapagaambag sa mas malalim na pag-unawa ng epekto ng Kontemporaryong Musika sa wikang Filipino sa kabataan at maaaring maging batayan ng mga susunod na pag-aaral sa larangan ng edukasyon at sikolohiya


Susing Salita: Kontemporaryong Awitin, Pagsusuri, Panitikan, Tema, Epekto sa Pananaw, Opm (Original na Musikang Pilipino)


Paglalahad ng Suliranin


Ang pag-aaral na ito ay may pamagat na Kontemporaryong Awitin sa  wikang Filipino at ang Epekto sa mga Kabataang Tagapakinig sa Mataas na Pamantasan ng Unibersidad ng Mindoro ay naglalayong sagutin ang mga sumusunod na suliranin:


1.Ano ang mga pangunahing tema ng mga Kontemporaryong Awitin sa wikang Filipino? 

1.1 Pag-ibig

1.2 Karanasan

1.3 Kasawian

1.4 Kaligayahan 

1.5 Pagbibigay ng Inspirasyon at Motibasyon


2.Paano nakakaapekto ang mga kontemporaryong awitin sa Wikang Filipino sa Pananaw, emosyon, pag-uugali at araw-araw na pagkilos  ng mga piling mag-aaral ng Mataas? 

2.1 Pananaw

2.2 Emosyon

2.3 Pag-uugali

2.4 Araw-araw na pagkilos


3.Ano ang positibo at negatibong epekto nito sa mga mag-aaral sa unang taon sa kolehiyo ng edukasyong pangguro?




Tulang Patnigan🏚️🎞️ "Duplo"

Tulang Patnigan🏚️🎞️ Ang tulang patnigan ay isang makulay at masining na anyo ng panulaang Filipino na naglalayong ipahayag ang damdamin, o...